^

PSN Opinyon

Editoryal - Hindi pa dapat magsaya kay Sabaya

-
MARAMI na ang natuwa noong Biyernes nang unang pumutok ang balitang napatay ng Philippine Navy ang spokesman ng Abu Sayyaf na si Abu Sabaya. Sa dami ng napatay ng Abu Sayyaf, sino ang hindi magsasaya sa balitang ito. Ayon sa military, tinamaan sa likod si Sabaya at tumalon sa tubig. Naiwan ni Sabaya ang kanyang mga personal na gamit. Sinabi ng military na malapitan ang pagkakabaril kay Sabaya kaya nasisiguro nila na patay na nga ito. Marami na ang nagpaabot ng pagbati sa military at unang-una na si President Gloria Macapagal-Arroyo. Natuwa rin si US President George Bush sa balita.

Tatlong araw na ang nakalilipas mula nang pumutok ang balita, hindi pa nare-rekober ang bangkay ni Sabaya. Hanggang sa kasalukuyan, wala pang makitang liwanag kung makikita pa ang bangkay o hindi na. Marami pa ang nagsabi na baka kinain na ito ng pating. Ang lugar ng enkuwentro ay pinaniniwalaang pinamumugaran ng mga pating.

Ang nakahihindik na balita ay nakita umano si Sabaya sa Isabela, Basilan, ayon sa TV report, base naman sa nalathalang balita sa isang dayuhang pahayagan. Ayon pa sa report kahapon, namataan din umano si Sabaya sa Zamboanga peninsula. Marami pang haka-haka ang sumulpot sa pagkakalabas ng report tungkol kay Sabaya. Iisa lamang ang ibig sabihin, buhay si Sabaya! Taliwas ito sa sinabi ng military na napatay ito sa enkuwentro.

Nakaharap sa malaking kahihiyan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sakali at totoo ang balitang buhay si Sabaya. Unang-una’y sila ang nagsabi na 100 percent nang patay ang lider ng bandido. Paano kung biglang sumulpot si Sabaya? Kakahiya at katawa-tawa ang AFP kung magkakaganoon. Wala nang maniniwala sa kanila. Lalo ding titibay ang paniniwala na kaya nakaligtas si Sabaya ay dahil "tinulungan" din nila. Maaalala ang akusasyon ni Fr. Cirilo Nacorda kung paano nakaligtas sina Sabaya nang kubkubin ang Jose Torres Memorial Hospital sa Basilan. Ganito rin ba ang nangyari?

Kung hindi maipakikita ng military ang katawan ni Sabaya, nasa balag sila ng alanganin. Marami ang magagalit at magngingitngit sa kanila.

Isa ang nararapat nilang gawin, hanapin ang bangkay ng bandido at ipakita sa taumbayan. Sa ganitong paraan lamang sila maniniwala at madudurog ang pag-aalinlangan. Sa kabilang banda, hindi pa rin dapat magsaya sa "pagkawala" ni Sabaya. Siya ay "katiting" lamang at marami pa ang dapat kitlin.

ABU SABAYA

ABU SAYYAF

ARMED FORCES OF THE PHILIPPINES

AYON

BASILAN

CIRILO NACORDA

JOSE TORRES MEMORIAL HOSPITAL

MARAMI

SABAYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with