^

PSN Opinyon

Editoryal - Katotohanan ang hinahanap sa PNP at NBI

-
HINDI maikakaila ang kahinaan ng Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa paglutas ng mga malalaking krimen. Maraming mamamayan ang umaasa sa dalawang organisasyong ito subalit ang kanilang pag-asa ay nauuwi sa wala. Maraming kaso ang hindi nila malutas at ang mga naulila ng biktima ay hindi malaman kung saan hihingi ng tulong para mabigyan ng hustisya ang biktima. Sa kabila naman nang kahinaan, patuloy na naghahayag ang PNP at NBI na gumagawa sila ng hakbang upang mapalawak ang kanilang serbisyo sa mamamayan. At nakapagtataka na hindi naman nila matupad ang sinasabing serbisyo. Hindi tuloy masisi ang taumbayan kung isiping ang sinasabi ng dalawang organisasyon ay press release lamang.

Hanggang sa kasalukuyan, wala nang balita sa pagkawala ng PR man na si Salvador "Bubby" Dacer na dinukot at pinatay may dalawang taon na ang nakararaan. Walang maipakitang positibong resulta kahit na may dinakip nang mga suspect. Naglalaho na ang pag-asa sa mga anak ni Dacer dahil sa kabagalan ng pulisya.

Katulad nang misteryosong pagkamatay ni Dacer, wala pa ring makitang liwanag sa pagkawala ni Edgar Bentain. Si Bentain ang PAGCOR employee na sekretong kumuha ng video habang nagsusugal si dating President Estrada noong 1998. Umano’y dahil sa kawalan ng pag-asa sa kaso, umalis na lamang sa bansa ang pamilya ni Bentain at nagtungo na sa America.

Noong nakaraang taon ay brutal na pinatay ang actress na si Nida Blanca. Kapwa nalagay sa katawa-tawang sitwasyon ang PNP at NBI sa kontrobersiyal na kasong ito. Kapwa nagpakitang-gilas subalit "pumalpak". May inarestong suspect ang PNP pero pumiyok ito at sinabing tinorture para aminin lamang ang pagpatay kay Nida. Pumapel ang NBI at wala ring nangyari.

Hanggang sa kasalukuyan zero pa rin ang PNP at NBI sa Dec. 30, 2000 bombings. Hanggang rumagasa muli ang nagtatanim ng bomba ilang linggo na ang nakararaan. Pero noong nakaraang linggo ay nagpahayag ang NBI na malapit na nilang mahuli ang mga miyembro ng Indigenous People’s Federal State Army na nagtatanim ng bomba.

Sana ay hindi nagpapatawa ang NBI. Sana ay magkaroon din ng katuparan ang sinasabi ng PNP na gumagawa sila ng hakbang para mapigilan ang paglaganap ng krimen at pinuprotektahan ang mamamayan.

Katotohanan sa kanilang sinasabi ang hinahanap ng marami at hindi pampapogi lamang.

DACER

EDGAR BENTAIN

FEDERAL STATE ARMY

HANGGANG

INDIGENOUS PEOPLE

KAPWA

MARAMING

NATIONAL BUREAU OF INVESTIGATION

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with