Diplomasya para sa ordinaryong Pilipino
Sa katatapos na ASEAN Summit, naging abala ang Metro Manila sa pagsasaayos ng trapiko, seguridad, at mga lugar na pagdarausan ng pagpupulong. Ngunit para sa ordinaryong Pilipino, isang tanong ang mahalagang sagutin: Ano nga ba ang pakinabang natin dito?
Para sa akin, simple lamang ang sukatan ng matagumpay na diplomasya: May dagdag bang trabaho, mas malaking kita, at mas magandang buhay para sa ating mga kababayan?
Mahalaga ang pakikipag-ugnayan sa ibang bansa, lalo na sa Timog-Silangang Asya na patuloy na lumalago bilang sentro ng kalakalan at pamumuhunan. Ngunit hindi sapat ang mga kasunduan at pakikipagkamay ng mga lider kung hindi naman ito mararamdaman ng karaniwang mamamayan.
Dito mahalaga ang pagsusulong ng mas maraming oportunidad para sa micro, small and medium enterprises o MSMEs na bumubuo sa malaking bahagi ng mga negosyo sa Pilipinas.
Isipin natin ang isang gumagawa ng muwebles sa Cebu na makakakuha ng bagong kostumer sa ibang bansa, o negosyante sa Davao na makapagpapalawak ng kaniyang merkado. Kapag lumago ang kanilang negosyo, mas maraming manggagawa ang maaaring matanggap at mas maraming pamilyang makikinabang.
Ngunit kailangang sabayan ang mga kasunduan ng konkretong aksyon. Dapat bawasan ang red tape, palakasin ang suporta sa maliliit na negosyo, at tiyaking may sapat na kasanayan ang mga manggagawa upang mapakinabangan ang mga oportunidad.
Higit sa lahat, nais nating magkaroon ng sapat na oportunidad dito sa sariling bayan upang hindi na kailangang mangibang-bansa ang mga Pilipino para lamang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya.
Sa pagtatapos ng ASEAN Summit, hindi rami ng kasunduan o delegasyong dumalo ang dapat nating bilangin. Ang tunay na sukatan ng diplomasya ay kung gaano karaming buhay ng Pilipino ang napabuti nito.
- Latest


















