Boatwright ipaparada ng Gilas sa window 5 FIBA WCAQ

MANILA, Philippines — Sasalang na sa wakas si Bennie Boatwright bilang bagong naturalized player ng Gilas habang magbabalik-national jersey sina Rhenz Abando, Mike Phillips at Quentin Millora-Brown para sa krusyal na Window 5 ng 2027 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Nobyembre 27 hanggang 29 sa Seremban, Malaysia.
Noong Agosto pa naaprubahan sa Kongreso at naging ganap na batas ang pagiging Pinoy ni Boatwright sa pamamagitan ng naturalization (Republic Act. 12323) subalit nitong nakaraang buwan lang siya nakasumpa ng katapatan sa bayan.
Hindi umabot ang mga papeles ng 30-anyos na Filipino-American sa parehong Window 4 ng Asian Qualifiers at 20th Asian Games bago makuha noong nakaraang buwan din ang Philippine passport niya upang maging eligible sa wakas na ibandera ang Pilipinas sa international play.
Papalitan niya sa ngayon si Justin Brownlee, naturalized player ng Gilas simula 2023 at resident import ng Ginebra sa PBA noon pang 2016, dahil umiinda pa ito ng maraming injuries kabilang na ang problema sa puso ayon kay Gilas at Ginebra head coach Tim Cone.
Balik-Gilas Pilipinas naman sina Rhenz Abando, Mike Phillips at Quentin Millora-Brown upang palakasin ang Nationals na sasagupain ang Syria sa Nobyembre 27 at Iran sa Nobyembre 29 sa Malaysia bilang neutral venue.
Papalitan nila ang puwesto nina nina Carl Tamayo, Calvin Oftana at June Mar Fajardo.
Kukumpleto sa tropa nina Cone ang mga batikang Gilas players na sina Kai Sotto, AJ Edu, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Scottie Thompson, CJ Perez, Juan Gomez De Liaño at CJ Perez.
Nasa ika-5 puwesto ngayon ang Gilas sa Group E hawak ang 4-4 karta matapos walisin ang Jordan at Iran sa Window 4 kaya kailangan ng krusyal na panalo kontra sa Syria at Iran ulit upang makahabol sa Top 3 na siya lang aabante sa World Cup sa Qatar.
May pag-asa rin ang Gilas sa best Top-4 ng buong Asian Qualifiers kasama na ang Group F para sa misyong masungkit ang ikaapat na sunod na World Cup appearance.
- Latest


















