Silver inihabol ni Enriquez sa Team Philippines
MANILA, Philippines — Naghabol ng silver medal si Alexandria Enriquez sa jiu-jitsu event sa huling pagsalang ng Team Philippines sa aksyon ng 20th Asian Games kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Humulagpos sa mga kamay ni Enriquez ang pang-lima sanang gold medal ng bansa nang matalo kay Orapa Senatham ng Thailand via advantage sa women’s -63-kilogram division.
Bigo naman sa bronze si Andrea Lao nang matalo kay Narankhishig Baasanjargal ng Mongolia, 0-2, sa repechage sa women’s -63kg class.
Minalas din sa tansong medalya ang RP Blu Girls nang yumukod sa Chinese Taipei, 1-2, sa women’s softball.
Sa women’s padel, hindi nakuha nina Danna Abad at Joshea Malazarte ang tanso nang mablangka ng Indonesia, 0-2, sa women’s pair event.
Sa sailing, nakawala kay Dhenver John Castillo ang bronze sa kanyang pagtatapos sa fourth place makaraan ang 11 races ng boy’s windsurfing.
Kumolekta ang Pilipinas ng apat na golds, siyam na silvers at 16 bronzes para tumapos sa No. 17 spot sa medal tally sa kabuuang 43 bansang sumali.
Mas maraming nahakot na medalya ang mga national athletes kumpara sa 2018 Asiad sa Palembang-Jakarta, Indonesia (4-2-15) para sa No. 19 place at sa 2022 Games sa Hangzhou, China. (4-2-15) sa No. 17 seat.
Hinirang na overall champion ang China sa hinakot na 165 golds, 86 silvers at 75 bronzes kasunod ang host Japan (75-87-87), South Korea (35-41-67), Uzbekistan (21-23-23), India (20-26-36), Thailand (17-13-20), Iran (15-17-15), Kazakhstan (12-22-45), Bahrain (11-5-6) at Hong Kong (10-19-23) para sa Top 10.
Bukod kay Jeus Yape, kumuha rin ng gold sina gymnast Carlos Edriel Yulo (men’s floor exercise at vault) at EJ Obiena (pole vault).
- Latest




















