VP Sara bumalik na ng ‘Pinas
MANILA, Philippines — Nakabalik na ng bansa si Vice President Sara Duterte nitong linggo ng gabi mula sa The Netherlands.
Sa pahayag ng Office of the Vice President (OVP), lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang Bise Presidente, dakong alas-9:56 linggo ng gabi sakay ng Emirates Airlines flight no. EK 334.
Ang Bise Presidente ay nanatili sa The Netherlands nang mahigit sa tatlong linggo kung saan nakapiit ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaresto sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng International Criminal Court o ICC.
Inaasahan naman na magbibigay ng pahayag ang Bise Presidente sa mga susunod na araw kaugnay sa iba’t ibang isyu.
“The Vice President is expected to address any pertinent matters in the coming days,” saad pa ng OVP.
Habang nanatili sa nasabing bansa, inasikaso ni VP Sara ang pagbuo ng defense team ng kanyang ama na nahaharap sa kasong crime against humanity sa ICC.
Sa pagbabalik ng Bise Presidente sa bansa kakaharapin naman niya ang impeachment na inihain ng Kamara de Representantes dahil sa isyu sa paggamit ng confidential fund.
- Latest