Petro Gazz inupuan huling silya sa semis

MANILA, Philippines — Inangkin ng Petro Gazz ang ikaapat at huling semifinals berth matapos patalsikin ang ZUS Coffee, 25-21, 25-19, 25-23, sa ‘do-or-die Game Three ng kanilang quarterfinals series sa 2024-25 Premier Volleyball League All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Tinapos ng Gazz Angels ang best-of-three showdown nila ng Thunderbelles sa 2-1 para makasampa sa single-round robin semifinals kasama ang nagdedepensang Creamline, Choco Mucho at Akari.
Ito ang pang-siyam na semifinals appearance ng Petro Gazz.
Hahataw ang semis sa Sabado sa Ynares Center sa Antipolo City.
Kaagad makakaharap ng Gazz Angels ang Cool Smashers sa ikalawang laro habang lalabanan ng Flying Titans ang Chargers sa unang laban.
Pumalo si Fil-Am Brooke Van Sickle ng 24 points mula sa 22 attacks habang may 10 markers si MJ Phillips.
“Composed lang kami, relax lang, kasi iyong latter part nagmamadali kami,” ani veteran setter Chie Saet na nagtala ng 20 excellent sets bukod sa limang puntos para sa Petro Gazz.
Mula sa 17-11 abante ng Petro Gazz sa first set ay nakadikit ang ZUS Coffee sa 18-20 sa likod ng mga blocks ni 6-foot-2 middle blocker Thea Gagate.
Huling nakalapit ang Thunderbelles sa 21-24 mula sa puntos ni Mich Gamit habang ang crosscourt attack ni Aiza Maizo-Pontillas ang nagbigay sa Gazz Angels ng 1-0 bentahe sa laro.
Sa second frame ay nakatabla ang ZUS Coffee sa 14-14 kasunod ang 9-1 ratsada ng Petro Gazz patungo sa kanilang 25-19 panalo at iposte ang 2-0 kalamangan.
Ilang beses naman nag-agawan sa unahan ang dalawang koponan bago napasakamay ng Gazz Angels ang 24-23 abante kasunod ang block kill ni Myla Pablo kay Gagate para selyuhan ang kanilang panalo sa Thunderbelles.
- Latest