Tigil-pasada ng Manibela, Piston larga na

Setyembre 28-30
MANILA, Philippines — Simula na ngayong Lunes ang tigil-pasada ng Manibela at Piston kahit pa inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pagpapatupad ng pisong taas-singil sa pamasahe sa jeep.
Tinawag ng Piston na insulto ang pisong taas-pasahe para sa mga tradisyunal na jeepney na P3,000 ang nagagastos araw-araw para sa diesel.
Sinabi pa ng grupo na anim na buwan silang naghintay hinggil sa taas-pasahe pero piso lang ang inaprubahang dagdag.
Sinabi naman ni Manibela President Mar Valbuena na hindi sila titigil sa pagkalampag sa gobyerno hanggang hindi nakukumpleto ang hirit nilang dalawang pisong taas-pasahe.
Samantala, tiniyak ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na pagpapanatiliin nila ang kapayapaan, kaayusan, para sa kaligtasan ng publiko at pagbibigay ng tulong sa mga commuter na maaaring maapektuhan ng transport strike.
Ayon kay NCRPO chief PBGen Christopher Abrahano inatasan niya ang lahat ng police districts at police stations na makipag-ugnayan sa local government units, transport authorities, at iba pang katuwang na ahensiya upang matiyak na nakahanda ang mga hakbang para sa seguridad at pagtulong sa publiko, partikular sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga pasahero at maaaring makaranas ng pagkaantala o kakulangan sa pampublikong transportasyon.
Binigyang-diin ni Abrahano na iginagalang nila ang karapatan ng mga transport group na mapayapang ipahayag ang kanilang mga hinaing, ngunit nanawagan siya sa lahat ng lalahok sa transport strike na panatilihin itong maayos at mapayapa.
- Latest
























