Paslit todas, 6 sugatan sa sunog sa Mandaluyong

MANILA, Philippines — Isang paslit ang nasawi habang anim na iba pa na kinabibilangan ng apat na fire volunteers ang nasugatan sa sunog na sumiklab sa isang residential-commercial area sa Mandaluyong City kahapon.
Nabatid na nasawi ang 3-taong gulang na batang lalaki nang ma-trapped sa nasusunog nilang bahay. Natagpuan ang bangkay sa ikalawang palapag ng bahay.
Samantala, apat naman sa anim na nasugatan ay nakilalang sina Enzo Agustin, 21, at Regie Garce, 55, na kapwa fire volunteer at sina Jandie Ramos Abaluna, 29, at Grace Ann Javido, 54.
Batay sa ulat ng Mandaluyong Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-6:00 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa JP Rizal St. sa Brgy. Namayan sa Mandaluyong City.
Umabot lamang ng ikalawang alarma ang sunog bago tuluyang naideklarang under control dakong alas-8:18 ng umaga.
Inaalam pa naman ng mga awtoridad ang pinagmulan ng sunog gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.
- Latest