Lady solon nagsampa ng reklamong slander vs Erice

MANILA, Philippines — Sinampahan ng reklamong slander sa Caloocan City Prosecutors Office ni incumbent Caloocan City 2nd District Rep. Mitch Cajayon si dating Rep. Edgar Erice dahil sa ‘below the belt’ pahayag nito sa kanyang caucus.
Sa kanyang affidavit, sinabi ni Cajayon na ang pambabastos umano ni Erice ay naganap sa caucus nito na dinaluhan ng mga kababaihan partikular ng mga barangay chairwoman at mga babaeng staff ng barangay.
Dahil sa pambabastos umano sa kongresista, nagtungo ang mga kababaihan kay Cajayon at ipinanood ang video. Napanood ng kongresista ang pangungutya, pambabastos at pagyurak ni Erice sa kanyang pagkatao.
Partikular na inireklamo ni Cajayon ang mga sinambit ni Erice na may halo pang pagmuwestra ang: “Ngayon may narinig ba kayo kay Congresswoman Mitch Cajayon sa Kongreso? Narinig niyo ba ‘yung boses niya? Wala kayong maririnig, ‘Pag nagpunta siya sa gym na ayaw ipagamit ni Danny anong ginagawa niya lang” “ Ayuda, ayuda, ayuda, May kembot pa, Nilalabas pa ‘yung dila, iwawagwag pa ‘yung suso.”
“Ayuda, ayuda, ayuda! Di Ba si Egay walang ayuda, tama ba ‘Nay? Tama ba? 300 ka! Bigyan ng jacket yan! Ayuda, ayuda, ayuda! Ayoko ng proyekto, ayoko ng eskwelahan, ayoko ng kalsada, kasi alam ko kailangan nyo pera, dahil alam ko lahat kayo mukhang pera!”
Kasama rin na sumuporta sa pagsasampa ng reklamong kriminal ni Cajayon ang mga kababaihan kabilang ang mga staff at mga babaeng Punong Barangay sa lugar.
Una nang dinisqualify si Erice ng Comelec dahil sa pagpapakalat ng mga malisyoso at mapanirang akusasyon laban kay Chairperson George Erwin Garcia.
- Latest