Pagpapalaya kay Neri Miranda, inutos ng Pasay RTC
MANILA, Philippines — Inutos na ng Pasay City Regional Trial Court (RTC) ang agarang pagpapalaya sa aktres at negosyanteng si Neri Naig-Miranda matapos na arestuhin dahil sa kasong paglabag sa Securities Regulation Code at syndicated estafa.
Nabatid na si Pasay City RTC Branch 112 Presiding Judge Gina Bibat Palamos ang naglabas ng kautusan kahapon na kinumpirma naman mismo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Nakapaglagak na umano si Miranda ng P1.7 milyong piyansa para sa mga kasong paglabag sa Securities Regulation Code noong Sabado ngunit hindi kaagad ito nakalaya dahil non-bailable ang kasong syndicated estafa na isinampa laban sa kanya.
Kamakailan naman ay dinala si Miranda sa pagamutan para sa limang araw na medical furlough.
Nakatakda sana siyang ibalik sa Pasay City Jail Female Dormitory kahapon subalit naglabas nang kautusan ang korte para sa pansamantalang kalayaan nito.
Matatandaang si Miranda ay una nang inaresto ng Pasay City Police noong nakaraang linggo dahil sa 14 na kasong paglabag sa Securities Regulation Code at syndicated estafa.
May kinalaman ito sa umano’y ginawa niyang paghikayat ng ilang indibidwal na mag-invest sa isang skin care company, na ayon sa Securities and Exchange Commission (SEC), ay hindi naman awtorisado na mag-solicit ng investment mula sa publiko.
Nakatakda ang arraignment at pre-trial ni Miranda sa kaso sa Miyerkules, Disyembre 11, 2024.
Samantala, pinabulaanan naman ni Miranda ang mga akusasyon laban sa kanya at iginiit na siya ay biktima lamang.
- Latest