3 magkakaangkas patay sa trailer truck!

MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Dead-on-the-spot ang tatlong lalaking magkakaangkas sa isang motorsiklo matapos silang sumalpok sa isang trailer truck sa M. Valte Road, Brgy. Camachile, Doña Remedios Trinidad, Bulacan, Lunes ng madaling araw.
Sa ulat na nakarating kay PCol. Jay Baybayan, OIC Bulacan Police director, ang mga nasawi ay kinilala lang sa mga alyas na “France,” 30 taong gulang; “Adrian,” 19-anyos; at “Jericho,” 19; pawang residente ng Sitio Buasao, Barangay Sapang Bulak, sa bayan ng Doña Remedios Trinidad.
Ayon sa paunang imbestigasyon, lulan ang mga biktima ng isang itim na Honda Click (plakang 276NQD) at bumabagtas sa M. Valte Road, Barangay Camachile, Doña Remedios Trinidad dakong alas-12:10 ng umaga nang sumalpok sila sa isang puting truck (NBQ 4598) na may nakakabit na trailer na may plakang NUB8135) na minamaneho ng isang lalaking kinilala bilang si alyas Percival.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na nakainom umano ang tatlong biktima at kinain ng sinasakyan nilang motorsiklo ang kaliwang bahagi ng kalsada kung saan paparating ang nasabing truck sanhi ng trahedya.
Sa bilis ng takbo ng motorsiklo, hindi na naiwasan ng truck ang nasabing sinasakyan ng mga biktima at nasalpok sila na agad nilang ikinamatay.
Imbes na tulungan ang mga biktima, tumakas naman ang trailer truck mula sa pinangyarihan ng insidente habang nakakaladkad pa rin ang motorsiklo. Kalaunan, naharang ang truck ng mga barangay tanod sa Barangay Akle, bayan ng San Ildefonso.
Naaresto ang drayber at isinuko sa mga pulis na humahabol sa kanya.
Ang driver ng trak ay nasa kustodya na ng Doña Remedios Trinidad Police Station at nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide at damage to property.
- Latest





















