Grade 6 na-bully, kaklase sinaksak ng balisong!
MANILA, Philippines —Isang Grade 6 pupil ang nanaksak ng kaklase matapos umanong mapikon sa pambu-bully ng huli sa loob ng kanilang paaralan sa Macabalan Elementary School sa Brgy. Puntod, Cagayan de Oro City nitong Biyernes, ayon sa ulat kahapon.
Sa report ng Cagayan de Oro City Police, umabot na umano sa sukdulan ang pagtitimpi ng biktima kaya inabangan at sinaksak ang kaklase na nambu-bully rito.
Ang insidente, naglalakad ang biktima papasok sa kanilang klasrum sa ikatlong palapag ng gusali ng eskuwelahan nang bigla na lamang saksakin ng nasabing estudyante gamit ang isang balisong.
Nabatid na ang suspect ay anak ng security guard na nagbabantay mismo sa nasabing eskuwelahan.
Ang biktima ay isinugod sa Northern Mindanao Medical Center para malapatan ng pangunahing lunas.
Nabatid pa na ang suspect ay nagsumbong pa sa ama nito noong mga nakalipas na gabi sa umano’y pambu-bully ng biktima na tinatawag siyang bahaw o tirang kanin pero hindi ito pinansin ng nasabing sekyu.
Dinala na ang suspect sa Police Station 5 ng Cagayan de Oro City Police para isailalim sa masusing imbestigasyon at nakatakdang iturnover sa kustodya ng City Social Welfare and Development para sa sa counseling.
- Latest




















