Blue Eagles tumba sa Green Archers

MANILA, Philippines — Tinuldukan ng defending champion De La Salle University ang two-game winning streak ng Ateneo de Manila University matapos ilista ang 83-76 panalo sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Tumikada sina Joaquin Tovera at JC Macalalag ng tig-15 points upang tulungan ang Green Archers na ilista ang 3-2 record at ipalasap sa Blue Eagles ang pangalawang talo sa limang salang.
Ipinakita ng La Salle at Ateneo ang kanilang pagiging magkaribal sa first half kung saan lumamang ang una, 45-43.
Naging mabalasik ang Blue Eagles sa third quarter at itinarak ang 52-45 abante mula sa tres ni Jared Bahay.
Subalit nakahabol ang Green Archers at inagaw ang 63-62 kalamangan papasok ng fourth quarter.
Nagpatuloy ang mainit na laro ng Taft-based squad sa payoff period upang sikwatin ang panalo.
Sa unang laro, bumalikwas ang National University mula sa kabiguan para talunin ang Adamson University, 85-66.
Tumikada si PJ Palacielo ng 19 points at may 17 markers si Paul Francisco para sa 3-2 marka ng Bulldogs.
- Latest























