Prosekusyon, umiskor sa impeachment
Nagsimula ang impeachment proceedings laban kay VP Sara Duterte, ngunit sa unang yugto, may malinaw nang umiskor: ang prosekusyon. Hindi pa ito hatol. Pero sa publiko, unang nakapuntos ang panig na nakapaglatag ng malinaw, direkta, at madaling maunawaang argumento.
Mahalaga ito dahil gusto ng publiko na makinig sa dalawang panig. Nakaabang sila sa ebidensya, depensa, at paliwanag. Gumagana ang proseso. Kapag ang bayan ay nakikinig, hindi lang nakikisigaw, buhay ang hustisya.
Ang unang banggaan ay kung sino ang dapat mamuno sa impeachment court. Iginiit ng minorya na Senate Pres. ang dapat maging presiding judge, ngunit nanaig ang mayorya at iniluklok si Sen. Chiz Escudero, abogado. Dito, kailangan ang may alam sa batas, proseso, at ebidensya.
Natatangi ang impeachment dahil hindi ito ordinaryong kaso—konstitusyonal, legal, at politikal. Konstitusyonal, dahil nilikha ito ng Saligang Batas. Legal, dahil ebidensya at due process ang manaig. Politikal, dahil mga senador ang magbibigay ng hatol.
Mahalaga sa karaniwang Pilipino. Ang impeachment ay paalala na ang mandato ay hindi immunity. Ang boto ng bayan ay nagbibigay ng kapangyarihan, ngunit hindi lisensya para umiwas sa pananagutan. Public office is a public trust.
Magagaling ang mga abogado sa bawat panig kung edukasyon lang ang pagbabasehan. Pero dito makikita kung sino ang may tunay na karanasan sa litigation. Ika nga, mas matalas ang may practice kaysa puro theory: timing, objections, cross-examination, paghawak sa ebidensya, at composure.
Walang grandstanding sa paglilitis. Bawat sayang na minuto ay nakaw sa katotohanan. Umiskor ang prosekusyon, pero dapat marinig ang depensa. Kapag patas ang proseso, panalo ang bansa.
- Latest















