^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Malinaw na sagot, hanap ng publiko

Pilipino Star Ngayon

DUMATING si Vice President Sara Duterte sa Senado kahapon sa ikalawang araw ng kanyang impeachment trial, ngunit hindi siya dumalo sa mismong proceedings. Sa halip, nagbigay siya ng maikling pahayag: “In this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed.”

Matapang ang linya at may pasaring. Pero sa isang impeachment trial, hindi sapat ang ma­tapang na salita. Ang hinahanap ng publiko ay malinaw na sagot, matibay na depensa, at ser­yosong pagharap sa proseso ng pananagutan.

May karapatan si Sara na dumaan sa kanyang mga abogado. May karapatan siyang hindi sumagot sa bawat tanong ng media. May kara­patan siyang igiit na ang kaso laban sa kanya ay pulitikal, mali ang proseso, o kulang sa ebi­densiya. Sa ilalim ng due process, hindi dapat ituring na guilty ang sinuman dahil lamang may paratang.

Pero bilang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, iba ang bigat ng kanyang po­sisyon. Ang impeachment ay hindi ordinar­yong kaso ng isang pribadong tao. Ito ay pro­seso para alamin kung ang isang mataas na opisyal ay karapat-dapat pa bang manatili sa puwesto.

Sa opening statement ng defense, binig­yang-diin na si Sara ay hinalal ng mahigit 32 mil­­yong Pilipino. Totoo iyan. Dapat igalang ang mandatong ibinigay ng botante. Ngunit ang mandato ay hindi immunity. Ang boto ay hindi panangga laban sa pagsusuri. Sa katunayan, mas malaki ang mandatong natanggap, mas mabigat ang tiwalang dapat pangalagaan.

Sa demokrasya, ang boto ay hindi korona. Ito ay kontrata ng tiwala. Kapag ang tiwalang iyon ay kinuwestiyon dahil sa mga paratang tulad ng maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, bribery, o grave threats, ang tamang sagot ay hindi slogan o pagda-drama. Ang sagot ay ebidensiya, paliwanag, at pagharap sa tamang forum.

Kasabay nito, mabigat din ang tungkulin ng prosecution. Hindi sapat ang malalakas na salita­ tungkol sa betrayal of public trust. Kaila­ngan nilang patunayan ang bawat paratang sa dokumento, testigo, at malinaw na lohika. Kung hindi nila ito mapatutunayan, dapat manaig ang presumption of innocence.

Ngayon, nasa Senado ang mabigat na pagsubok. Ang mga senador ay hindi dapat umastang kakampi, kalaban, o performer. Dapat silang maging hukom na marunong makinig, magtanong, at magdesisyon batay sa ebidensiya at konsensiya.

Ang impeachment trial ay hindi dapat maging entablado ng drama. Hindi rin ito dapat maging­ laro ng technicalities. Ito ay pagsusulit sa ating sistema: kaya bang igalang ang man­dato habang­ hinihingi ang pananagutan? Dahil sa public office­, ang boto ay simula lamang ng tiwala. Hindi ito katapusan ng pananagutan.

IMPEACHMENT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with