EDITORYAL - Phl, planong gawing industrial hub
Naghahanda ngayon ang Pilipinas na pumasok sa mas malinaw na kasunduan sa ilalim ng Pax Silica, isang U.S.-led initiative na konektado sa planong industrial hub sa New Clark City, Pampanga. Ayon sa mga ulat, maaaring maging bahagi ng proyekto ang malalaking tech company gaya ng Foxconn, at target na gawing lugar ang bansa para sa AI, semiconductors, electronics, at advanced manufacturing.
Ang Pax Silica, sa simpleng paliwanag, ay alyansa ng U.S. at iba pang bansa para siguraduhin ang supply ng mga materyales at teknolohiyang kailangan sa modernong industriya. Kasama rito ang critical minerals gaya ng nickel at copper, semiconductors o chips, artificial intelligence, energy, logistics, at high-tech manufacturing. Sa madaling salita, ito ay tungkol sa kung sino ang kokontrol sa mga sangkap ng bagong teknolohiya.
Sa unang tingin, magandang balita ito. Maari itong magdala ng trabaho, investment, bagong pabrika, at pagkakataong makahabol ang Pilipinas sa manufacturing habang nauuna na ang ibang bansa sa rehiyon. Kung matagal na nasa mababang bahagi ng electronics industry ang Pilipinas, baka ito ang pagkakataong umakyat sa mas mataas na antas.
Ang Pax Silica ay hindi ordinaryong investment project. Bahagi ito ng mas malaking labanan ng mga bansa para sa kontrol sa teknolohiya, critical minerals, at supply chains. Kapag AI, chips, lupa, mineral, logistics, at economic security ang pinag-uusapan, hindi lamang trabaho at pabrika ang nakataya. Nakataya rin ang soberanya, kalikasan, karapatan ng komunidad, at direksyon ng ating ekonomiya.
Kaya bago magdiwang ang gobyerno, dapat malinaw muna sa publiko ang laman ng kasunduan. Sino ang may kontrol sa economic security zone? Anong batas ang iiral? Anong insentibo ang ibibigay sa dayuhang kumpanya? Ano ang garantiya na Pilipino ang tunay na makikinabang?
Hindi sapat ang press release tungkol sa jobs at investment. Dapat may malinaw na plano para sa training ng Filipino workers, scholarships, research partnerships, local suppliers, at tunay na technology transfer. Kung semiconductors ang usapan, hindi tayo dapat manatili sa assembly at packaging lamang. Dapat ding protektahan ang lupa at kalikasan. Hindi puwedeng ang kapalit ng AI hub ay magsasaka, katutubo, o probinsiyang magbabayad ng tunay na presyo.
Hindi masama ang investment. Ang masama ay ang pumasok sa malaking kasunduan na walang garantiya na Pilipino ang unang makikinabang.
Kung Pax Silica ang pangalan ng bagong yugto ng teknolohiya, dapat tiyakin ng pamahalaan na hindi magiging pabrika ng iba ang bansa. Dapat maging kalahok sa kaalaman, kita at kinabukasang ipinapangako nito para sa mga Pinoy.
- Latest















