Gymnastics pinangalanang NSA of the Year
MANILA, Philippines — Igagawad sa Gymnastics Association of the Philippines (GAP) ang National Sports Association (NSA) of the Year sa idaraos na PSA Awards Night sa Enero 27 sa Manila Hotel.
Kaliwa’t kanan ang tagumpay ng GAP sa nakalipas na taon kabilang na ang kampanya nito sa 2024 Paris Olympics kung saan humakot ito ng dalawang gintong medalya.
Galing ito kay Carlos Yulo na kumana ng ginto sa men’s vault at floor exercise para maging kauna-unahang Pinoy athlete na naka-double gold sa Olympics.
Kasama ni Yulo sa kampanya sina Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Jung-Ruivivar na unang mga Pinay na sumabak sa Olympics sapul noong 1964.
Matatandaang sina Evelyn Magluyan at Maria Luisa Floro ang huling mga female gymnasts na sumalang sa 1964 Tokyo Olympics.
Makakasama ng GAP sa mga awardees si Yulo na siyang kikilalaning Athlete of the Year sa programang co-presented ng ArenaPlus, MediaQuest at Cignal.
Nauna nang itinanghal na NSA of the Year ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas, Samahang Basketbol ng Pilipinas, Association of Boxing Alliances in the Philippines, Jiu Jitsu Federation of the Philippines, Philippine Athletics Track and Field Association at Philippine Taekwondo Association.
Ang Awards Night ay suportado ng Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, PLDT/Smart, Senator Bong Go, MILO, at Januarius Holdings bilang major sponsors, at may suporta rin sa PBA, PVL, Akari, Rain or Shine, AcroCity at 1-Pacman Party List.
Maliban sa Paris Olympics, naka-apat na ginto rin si Yulo sa Men’s Artistic Gymnastics Asian Championships sa Tashkent, Uzbekistan habang may isang ginto at isang pilak din ito sa FIG Artistic Gymnastics World Cup Series sa Qatar.
Sa kabilang banda, umani si Malabuyo ng isang ginto at isang tanso sa Women’s Artistic Gymnastics Asian Championships sa Uzbekistan.
- Latest