Utang ng Pinas lumobo sa P19.96 trilyon

MANILA, Philippines — Umabot sa rekord na P19.96 trilyon ang kabuuang utang ng gobyerno ng Pilipinas noong Setyembre, ayon sa Bureau of the Treasury (BTr).
Mas mataas ito ng 0.27 porsiyento kumpara noong Agosto at 12.63 porsiyento kumpara sa kaparehong panahon noong 2025.
Ayon pa sa BTr, mula Enero hanggang Setyembre ay nadagdagan na ng 11.03 porsiyento, o halos P2 trilyon, ang kabuuang utang ng bansa.
Binubuo ng domestic debt ang 67.39 porsiyento ng kabuuang utang, na umabot sa P13.25 trilyon.
Mas mataas din ng P7.66 bilyon ang bagong inutang ng pamahalaan sa mga lokal na nagpapautang kumpara sa kabuuang nabayaran nitong pagkakautang noong Setyembre.
Nakadagdag din sa paglobo ng utang ang paghina ng piso, na nagtapos sa P62.601 kada dolyar noong Setyembre mula sa P62.209 kada dolyar noong Agosto.
Dahil dito, tumaas ng P1.12 bilyon ang katumbas na halaga sa piso ng mga dollar-denominated bond na inilabas sa lokal na merkado.
- Latest



















