Suwerte ng Cardinals tinapos ng Blazers
MANILA, Philippines — Sumalo ang College of Saint Benilde sa three-way tie sa top spot ng Group A matapos sikwatin ang 71-69 panalo kontra Mapua University sa NCAA Season 102 men’s basketball tournament kahapon sa Playtime FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Kinapitan ng Blazers si Ian Torres sa opensa upang ilista ng koponan ang 7-3 karta at samahan sa tuktok ang defending champions San Beda University Red Lions at Jose Rizal University Heavy Bombers.
Tumikada si Torres ng 15 points, apat na assists at tatlong rebounds para sa Taft-based squad na winakasan ang six-game winning streak ng Cardinals.
“We were lucky and fortunate to take the win today. We’ll take it,” sabi ni coach Paolo Layug.
Biglang kumalas ang St. Benilde sa third canto para sa 55-45 abante papasok sa fourth period.
Malakas namang sinimulan ng Mapua ang final canto matapos magtala ng 10-2 run para tapyasin sa dalawang puntos ang hinahabol, 55-57, may 7:38 minuto pa sa orasan.
Hindi nasira ang diskarte ng Blazers kaya naman nasungkit nila ang mahirap na panalo.
- Latest


















