Barangay chairman itinumba ng tandem sa Batangas
MANILA, Philippines — Pinagbabaril at napaslang ng hindi pa nakilalang armadong salarin ang isang 50-anyos na Brgy. Chairman sa loob ng tahanan nito sa bayan ng Sto. Tomas, Batangas nitong Huwebes ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Dennis Austria, incumbent Brgy. Chairman ng Brgy. Sta Anastacia, Sto. Tomas.
Batay sa inisyal na ulat ng Batangas Provincial Police Office (PPO), naganap ang pamamaslang sa biktima sa loob ng tahanan nito sa isang subdibisyon sa nasabing lugar dakong alas-6 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, nasa loob ng kaniyang tahanan ang biktima nang dumating ang dalawang lalaking magkaangkas sa motorsiklo.
Isa sa mga suspect ay pumasok sa tahanan ng biktima habang isa namang ang nagsilbing lookout sa krimen.
Pagpasok sa loob ng tahanan ng biktima ay agad itong pinagbabaril nang gunman na duguang napalugmok sa insidente.
Ang mga suspect ay mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo na tumahak sa hindi pa matukoy na destinasyon. Ang biktima ay nagawa pang maisugod sa pagamutan, pero idineklara na itong dead-on-arrival.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito upang matukoy ang motibo ng krimen. — Arnel Ozaeta
- Latest





















