SUV driver nanapak ng TNVS rider, huli

MANILA, Philippines — Nadakip ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD), ang driver ng Mitsubishi Xpander na nanapak ng 73-anyos na tsuper ng TNVS sa road rage sa Quezon City, ayon sa ulat nitong Linggo.
Batay sa ulat kay QCPD Director, PBGen. Randy Glenn Silvio, kinilala ang suspek na si alyas “Bobby,” 53, driver ng Mitsubishi Xpander, at residente ng Brgy. San Isidro, Rodriguez (Montalban), Rizal.
Siya ay naaresto sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Project 4 Police Station 8 sa pangunguna ni PLt. Col. Josef Geoffrey Lyndon Lim, dakong alas-11:00 ng umaga noong Mayo 28, sa kahabaan ng 20th Avenue, Quezon City.
Sa ulat, alas-11 ng umaga noong Huwebes (May 28) nang maganap ang insidente sa kanto ng 20th Ave., at P. Tuazon Boulevard, Brgy. Dioquino Zobel, Project 4, Quezon City.
Binabaybay ng biktimang driver ng TNVS ang 20th Avenue at kumanan patungo sa P. Tuazon Boulevard, nang biglang i-cut ng Mitsubishi Xpander ang kanyang lane.
Pagkatapos ay bumaba ang driver ng nasabing sasakyan at nagbitaw ng mga masasakit na salita laban sa TNVS driver na umabot sa mainitang komprontasyon hanggang sa humantong sa pisikalan.
Dahil dito, agad nagsumbong ang TNVS driver sa Project 4 Police Station 8 na agad namang nagtungo sa Land Transportation Office (LTO), at doon ay nalamang nakarehistro sa pangalang “Recerpido,” residente ng Montalban, Rizal, ang may-ari ng Mitsubishi Xpander.
Kasunod nito, isang Show Cause Order (SCO) ang inisyu ng LTO sa rehistradong may-ari ng Mitsubishi Xpander upang ipaliwanag ang kanyang pagkakasangkot sa insidente.
Kinasuhan na ang suspek ng Slight Physical Injury at Unjust Vexation sa Quezon City Prosecutor’s Office.
- Latest
















