24 Marines absuwelto sa Senate shooting

MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ng Philippine Navy (PN) na walang kinalaman sa insidente ng pagpapaputok ng baril sa loob ng Senado noong Mayo 13 ang 24 na tauhan ng Philippine Marines na naka-deploy sa gusali.
Sa press briefing nitong Martes, sinabi ni Philippine Navy spokesperson Captain Marissa Martinez na batay sa isinagawang imbestigasyon at paraffin test, walang ebidensiyang nagpaputok ng baril ang mga tauhan ng Philippine Marines.
“I learned from the Philippine Marine Corps that none of them have fired their weapon. Secondly, they tested negative in the paraffin test. So those are just indicators that none of them directly participated in the shooting incident,” ani Martinez sa Defense Press Corps.
Ang mga tauhan ng Marine Security and Escort Group (MSEG) ang nakatalaga sa pagbabantay sa Senado at iba pang mahahalagang pasilidad ng gobyerno.
Mayo 13 nang nagkaroon ng tensyon sa loob ng Senado kasunod ng mga putok ng baril matapos dumating si Senador Ronald “Bato” dela Rosa upang bumoto kaugnay ng umano’y kudeta laban kay dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III. Kalaunan ay naluklok bilang bagong Senate President si Alan Peter Cayetano.
Inamin naman ni Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSSA) chief Mao Aplasca na siya ang nagpaputok ng baril bilang “warning shot” laban sa mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) na nasa labas ng gusali matapos umano ang armadong tangkang pagpasok sa Senado.
Ayon kay Martinez, naka-defensive position lamang ang mga tauhan ng Philippine Marines at hindi sangkot sa anumang aktibong engkuwentro.
- Latest





















