Meat shop inatake: Negosyante, matansero todas
2 pang tauhan sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang isang negosyante at tauhan nitong matansero habang dalawa pa ang sugatan matapos pagbabarilin sa loob ng kanyang meat shop kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Idineklarang dead-on-arrival sa Bernardino Hospital ang mga biktimang sina Romeo Collado, 43, meat shop owner, at April Boy Lutao Cerbito, 27, habang nagpapagaling naman sina Alejandro Turo Agnes, 44 at misis ni Romeo na si Melody, 42.
Target naman ng manhunt ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection (QCPD-CIDU) ang dalawang suspek na kapwa armado ng baril na mabilis na nakatakas sakay ng motorsiklo.
Batay sa imbestigasyon, dakong alas 2:30 ng madaling araw habang naghahanda na ang mga biktima sa pagbubukas ng kanilang meat store na nasa loob ng Russel Meat Shop sa Dumalay St. Brgy. Sta. Monica, nang isa sa mga suspek ang pumasok at walang habas na pinagbabaril si Romeo na kanilang pakay.
Tinamaan naman ng ligaw na bala sina Cerbito, Agnes at Melody.
Matapos ang pamamaril, tumakas ang mga suspek patungong Quirino Highway.
Sa pagsisiyasat naman ng SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni PCpt. Aldhrin Domingo, walong basyo ng bala at isang holster ang natagpuan sa crime scene.
- Latest