Miyembro ng criminal group, huli sa boga
MANILA, Philippines — Timbog ang isang construction worker na miyembro ng ‘Rex Fajad Criminal Group’ nang masamsaman ng baril ng mga awtoridad sa pagsisilbi ng search warrant sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na isinumite kay Pasig City Police Station Acting Chief, P/Colonel Hendrix Mangaldan, ang suspek na si alyas “Rhegen”, 38-anyos, residente ng Barangay Manggahan, Pasig City ay miyembro ng criminal group na sangkot sa ilang iligal na aktibidad kaya naisyuhan ng search warrant ng Pasig Regional Trial Court Branch 155.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-10:00 ng gabi kamakalawa, nang isagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Manggahan Police Sub-Station (SS8) kasama ang mga operatiba ng Station Intelligence Section at RMFB-4A 404th A Maneuver Company, na nagresulta sa pagkasamsam ng isang kalibre .38 revolver na may serial number 32858 at 2 bala.
Nakatakdang isailalim sa inquest proceedings ang suspek sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law of Firearms and Ammunition) sa Pasig City Prosecutor’s Office.
- Latest