MMDA clearing ops arangkada: Mga karinderya pinaggigiba

MANILA, Philippines — Nagsagawa ng clea­ring operations nitong Lunes, ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga nakabarang karinderya o kainan at ibang pasaway sa bangketa at sa Mabuhay Lanes na gamit bilang alternatibong ruta kaugnay sa isinarang lanes sa EDSA-Kamuning flyover.

Inalis ng MMDA ang mga sagabal at sa kanto ng Sgt. Esguerra ­Avenue,  Scout Madrinan at Kamuning Road. Ang mga kalyeng ito ay ba­hagi ng mga alternatibong ruta para sa pagsasara ng flyover.

Nilinis din ng mga tauhan ng MMDA Special Operations Group, Strike Force ang kalsada ng mga iligal na nakaparadang mga pribadong sasakyan, taxi, at tricycle habang giniba ang mga iligal na istruktura sa tabi ng mga bangketa.

Nanguna sa mga operasyon sina MMDA Ge­neral Manager Usec. Procopio Lipana, MMDA Assistant General Ma­nager for Operations Asec. David Angelo Vargas, Traffic Discipline Office (TDO) Director for Enforcement Atty. Vic Nuñez, Sidewalk Clearing Operations Group (SCOG) head Director Francisco Martinez, at SOG-SF Officer-in-Charge Gabriel Go .

Bandang alas-10:00 ng umaga nang umabot na sa 17 ang nahuli at nabigyan ng ticket, habang limang sasakyan ang na-tow. Nakita rin ang mga nagbalikan na mga kainan na omukupa sa mga bangketa kaya pinangbubuwag.

Bunsod nito, nagbabala ang MMDA na kanilang aaraw-arawin ang pinaigting na clea­ring ­operations sa na­sabing mga lugar.

Show comments