Fare discount, iniurong na ng DOTr
MANILA, Philippines — Hindi na itutuloy ng Department of Transportation (DOTr) ang plano nitong pagkakaloob ng fare discount sa mga public utility vehicles (PUV) sa Metro Manila.
Ayon kay DOTr Secretary Jaime Bautista, sa halip na fare discount ay isa-subsidize na lamang nila ang operasyon ng ilang ruta ng mga PUVs na hindi kumikita upang makapagpatuloy ng operasyon ang mga ito.
“Yung mga drivers na lang and operators ang bibigyan ng subsidy,” aniya pa.
Matatandaang noong Marso ay inianunsiyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na inaprubahan na ang pagbibigay ng fare discounts sa mga piling ruta sa Metro Manila.
Isinulong ito bilang kapalit ng free rides sa EDSA Bus Carousel na nagtapos noong Disyembre 31, 2022.
Sa ilalim ng implementasyon, ang minimum na pasahe sa mga tradisyunal na jeepneys ay ibabalik sa P9, na tulad noong bago magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Magiging epektibo sana ang fare discount simula ngayong buwan at magtatagal hanggang anim na buwan o hanggang sa maubos ang P1. 285 bilyong pondo rito, sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act.
Nabatid naman na ang pinaplanong pagbibigay ng subsidiya para sa mga rutang hindi kumikita ay popondohan sa ilalim din ng naturang alokasyon.
Ani Bautista, may hanggang katapusan ng buwan ng Mayo o unang bahagi ng Hunyo ang LTFRB upang tukuyin ang mga naluluging ruta na bibigyan ng subsidiya.
Pag-aaralan din muna aniya ng DOTr ang halaga ng subsidiya na ibibigay sa bawat operator, gayundin ang mga mekanismo sa pagdi-disburse nito.
- Latest