'Gas leak': 16 sugatan sa pagsabog ng laundry shop sa Maynila
MANILA, Philippines — Umabot na sa 16 ang sugatan sa gawing Taft Avenue, Maynila nitong Lunes ng gabi sa isang palabahan malapit sa De La Salle University dahil diumano sa pagsingaw ng tangke ng liquefied petroleum gas (LPG) — marami sa biktima, mga estudyante.
Ayon sa ulat ng The STAR, nangyari ang insidente sa kahabaan ng Fidel Reyes St. sa Malate. Agad namang binigyan ng atensyong medical ang mga sugatan, kabilang dito ang ilang kabataang nakatambay sa bilyaran sa ibabaw ng laundry shop.
"Nagkaroon ng gas leak doon sa isang laundry shop... sa Taft Avenue. At nag-result ito sa positive explosion kung saan marami ang mga nasa paligid na na-injure," wika ni Police Brig. Gen. Andre Dizon, director ng Manila Police District sa panayam ng GMA News.
Una nang sinabi ng may ari ng laundry shop na dalawang tangke ng LPG ang ipinadala sa kanila noong araw na 'yon para sa kanilang dryer, ngunit napag-alaman daw nilang iisa lang ang nakakunekta.
Sa kasamaang palad, isa raw sa mga linya ang naiwang hindi nakakabit na maaaring pinanggalingan daw ng tagas. Ilan sa mga empleyado ng isang malapit na kainan, napansin nilang humihingi ng tulong ang mga nagtratrabaho sa laundry bago sumabog.
Idineklarang "fire out" ng mga otoridad ang insidente pagsapit ng 7:37 p.m. kagabi.
"Habang nagchi-chikahan kami, ganoon, nagulat na lang kami may nag-explode. Tapos ayon, chinek namin sarili namin. Duguan na," wika ni "Red" (hindi tunay na pangalan), isa sa mga nasabugan. Aniya, akala nila'y mata-trap na sila sa bilyaran noong nangyari ang insidente.
"Una they were trying to open the back door. It's like the fire exit. May martilyo pa nga eh, they weren't able to open it. So doon kami dumaan sa main entrance mismo. And then 'yung stairs doon noong dinaanan namin, sira na siya. And then 'yung nasa gilid, may sunog na."
Nagtamo si Red ng mga sugat sa braso at leeg matapos tumama ang mga bubog mula sa nabasag na glass sliding door.
Nangako naman ang may ari ng sumabog na establisyamentong sasaluhin ang pagpapagamot sa mga biktima ngunit pinag-aaralan na ng pamilya ng mga nasabugan kung anong ikakaso sa may-ari ng laundry shop.
Iniimbestigahan pa rin naman ng Bureau of Fire Protection ang nangyari. — may mga ulat mula sa The STAR/Miguel de Guzman
- Latest