Truck vs motorsiklo: Rider patay, angkas sugatan
MANILA, Philippines — Patay ang isang rider habang sugatan naman ang angkas nito nang masalpok ng cargo truck ang kanilang sinasakyang motorsiklo sa isang intersection sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Jhon Lui Andes, rider ng Yamaha Mio Motorcycle, habang sugatan naman ang kanyang pinsan at back rider na si Christian Arevalo, kapwa naninirahan sa Anonas, Quezon City.
Samantala, arestado naman ang suspek na si Donato Delas Alas Camba, 45, driver ng cargo truck.
Batay sa report, dakong ala-1:53 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa intersection ng G. Araneta Ave., at Ramon Magsaysay Blvd., sa Brgy. Doña Imelda, sa lungsod.
Binabaybay umano ng trak ang kahabaan ng G. Araneta Ave., patungong N. Domingo St., habang ang mga biktima ay sakay naman ng motorsiklo at bumabagtas sa kahabaan ng Ramon Magsaysay Blvd. galing sa V. Mapa St., papuntang Cubao.
Pagsapit sa intersection, sumalpok umano ang truck sa harapan ng motorsiklo dahilan upang tumilapon ang rider at backrider nito.
Namatay noon din ang rider dahil sa grabeng pinsalang tinamo sa ulo at katawan habang isinugod naman sa UERM Hospital ang back rider upang malapatan ng lunas.
Ang suspek ay nakapiit na at sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide and physical injury with damage to property sa piskalya.
- Latest