Lider ng crime group, 3 pa nalambat sa Malabon
MANILA, Philippines — Arestado ang lider ng isang crime group at tatlong kasamahan na sangkot sa gunrunning at illegal drug activities sa isinagawang operasyon sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nadakip na sina Melvin De Jesus, 38, lider ng “Melvin Serrano Group”; Mark Anthony De Jesus, 33; Kelvin De Jesus, 30 at Eddie Tornia, 33, pawang mga residente ng Gervacio St. Brgy. Hulong Duhat, Malabon.
Sa bisa ng search warrant na inisyu Malabon Regional Trial Court (RTC) Judge Antonia Largoza-Cantero, nagsagawa nang paghalughog ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group of Northern Metro Manila District Filed Unit (CIDG-MMDFU) sa bahay ng mga suspek.
Ayon kay CIDG-MMDFU chief P/Lt. Col. Jynleo Bautista alinsunod ito sa “Oplan Paglalansag” at “Oplan Salikop” ng PNP.
Tinangka pa ng mga suspect na magsitakas pero nakorner din sila ng mga awtoridad.
Narekober ng pulisya sa mga suspek ang dalawang baril at ibat-ibang uri ng mga bala.
Nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act.
- Latest