Karnaper pumalag sa aresto, sugatan sa shootout
MANILA, Philippines — Sugatan ang isang hinihinalang karnaper nang manlaban at makipagbarilan sa mga umaarestong pulis sa Tondo, Maynila, Lunes ng umaga.
Isinugod ng mga pulis sa pinakamalapit na pagamutan ang suspek na si Romeo Garcia, ng Capulong Street, Tondo.
Sa ulat na isinumite kay National Capital Regional Police Office Director P/MajGen Felipe Natividad, unang tinangay ng suspect ang Raider type na motorsiklo na pag-aari ng hindi pinangalanang biktima habang nakaparada sa harapan ng Paltok Elementary School sa Basa St., Brgy. Paltok sa Quezon City.
Agad na nagsuplong ang biktima sa Masambong Police Station at makaraan ang berepikasyon ay natukoy ang pagkakakilanlan sa suspek na nagtatago sa Tondo. Nabatid rin na may kinakaharap na standing warrant of arrest ang suspek na bitbit ng mga pulis nang ikasa ang operasyon.
Nang puntahan ang lugar, sa halip na sumuko ay una umanong nagpaputok ang suspek gamit ang kaniyang kalibre .38 na baril.Dahil sa banta sa buhay, agad na gumati ang mga pulis kaya tinamaan ang suspek sa katawan.
Bukod sa kasong Theft sa Manila Metropolitan Trial Court Branch 28, nahaharap din ang suspek sa kaso sa ilegal na droga, at ilegal na sugal. Sinampahan na siya ng dagdag na kasong paglabag sa RA 10883 (Anti-Carnapping Law), Direct Assault with Attempted Homicide, RA 10591 at Omnibus Election Code sa Manila Prosecutors Office.
- Latest