Kampanya sa Maynila inumpisahan sa motorcade nina Lacuna, Servo
MANILA, Philippines — Inumpisahan nina Manila Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan at Congressman Yul Servo ang kanilang kampanya sa isang malaking motorcade na umikot sa tatlong distrito sa siyudad.
Inikot nina Lacuna, tumatakbong alkalde at ni Servo, na tumatakbo naman sa pagka-bise alkalde ang District 1, 2 at 3 sa siyudad. Nag-umpisa ang motorcade dakong alas-8:30 ng umaga.
Bago ito, nagsimba muna sa Tondo Church ang dalawa at ang buong ‘Asenso Manileño’ ticket na kinabibilangan ng kanilang mga kandidato sa kongreso at sa konseho.
Kung magwawagi si Lacuna, siya ang magiging kauna-unahan na babaeng alkalde ng Maynila. Anak siya ni dating Vice Mayor Danny Lacuna na ilang beses na ring sumubok sa halalan sa pagka-alkalde ngunit nabigo.
Tumakbo siya bilang running mate ni Mayor Isko Moreno noong 2019. Hayagan naman ang pag-endorso ni Moreno kay Lacuna na umano’y kailangan ng siyudad para tuluyang makabangon mula sa pandemya dahil sa pagiging isang doktor.
Si Servo ay nag-umpisa ring makilala bilang isang artista bago sumabak sa politika.
- Latest