P3.2 bilyong halaga ng ayuda, naipamahagi na sa NCR
MANILA, Philippines — Umaabot na sa mahigit P3.2 bilyon ang halaga ng ayuda na naipamahagi ng pamahalaan sa may 3.2 milyong indibiduwal na naapektuhan ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, kabuuang P3,299,290,000 cash aid na ang nai-distribute sa 3,299,290 kuwalipikadong benepisyaryo.
Ito aniya ay katumbas ng 29.31% ayuda na nai-distribute na simula nang umpisahan ang pamamahagi nito noong Agosto 11.
Tiniyak din naman ng kalihim na magpapatuloy ang ayuda distribution sa mga susunod na araw para sa mga low-income individuals na apektado ng ECQ.
Alinsunod aniya sa kautusan ni Pangulong Duterte, mahigpit na pinangangasiwaan at minu-monitor ng DILG, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of National Defense (DND), sa koordinasyon ng mga local chief executives (LCEs) ang proseso nang pamamahagi ng ayuda sa mga benepisyaryo.
“Mula noong Wednesday (August 11) ay nagsimula na po ang ating pagbibigay alinsunod sa mga probisyon ng Joint Memorandum Circular No. 3 ng DILG, DSWD at NCR. Kaya po makikita natin dito sa screen ay total of 3,299,290,000 na po ang naipamigay natin, for a total of 29.31 percent mula po Miyerkules,” ulat ng DILG chief kay Duterte sa isang pre-recorded talk nitong Lunes ng gabi.
Una nang binigyan ni Año ang mga local government units (LGUs) ng 15-araw upang ipamahagi ang ayudad ngunit maaari naman itong palawigin pa, kung hihilingin ng mga lokal na pamahalaan.
Matatandaang unang inaprubahan ng pangulo ang paglalabas ng P10,894 bilyong ayuda ngunit malaunan ay dinagdagan pa ito ng P368 milyon at umaabot na ngayon sa P11.256 bilyon.
- Latest