P10 milyong kush nasabat sa NAIA
MANILA, Philippines — Nasabat ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PNP-DEG) sa Ninoy Aquino International Aiport (NAIA) ang nasa P10 milyong halaga ng high-grade marijuana o kush kamakalawa ng umaga sa Parañaque City.
Ayon kay PNP- DEG Director PBGen. Eleazar P Matta, naharang ang kargamento dakong alas-11:30 ng umaga nitong Huwebes.
Sa pangunguna ng kanyang mga tauhan na nakatalaga kasama ang NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) at Intelligence Foreign and Liaison Division (IFLD), nasamsam ang kontrabando sa Cargohaus facility.
Lumilitaw sa pagsisiyasat na galing sa isang kompanya ng tsaa sa Ohio, USA ang parcel at naka-consign sa address sa Parañaque.
Nang suriin, nakita ang dalawang parcel na may label na “Jasmine Pearls Green Tea” at “Herbal Teas” na tumitimbang ng 7,154 grams at nagkakahalaga ng P10,015,600.00.
Sinabi ni Matta na ang pagkakasamsam ng mga illegal drugs ay bunsod ng pinaigting na kampanya ng pulisya laban dito.
“The interception of this major drug shipment is a significant setback for criminal networks and a crucial win for public safety. This operation underscores our unwavering commitment to protecting families from the dangers of illegal drugs. We will continue to dismantle these networks to ensure a safer future for all,” ani Matta.
Agad na dinala sa PDEA Laboratory Service ang mga ebidensiya.
- Latest