Kalituhan sa payment scheme, sanhi ng trapik sa Skyway 3
MANILA, Philippines — Ang kalituhan sa payment scheme o paraan ng pagbabayad ng toll ang naging sanhi nang pagkakaroon ng mabigat na daloy ng trapiko sa Skyway Stage 3 noong Lunes.
Ayon kay Manuel Bonoan, pangulo at CEO ng Skyway Operations and Maintenance Corp., ang masikip na daloy ng trapiko ay nagsimula sa unang araw nang paniningil nila ng toll fee sa mga motorista na dumaraan sa expressway kamakalawa.
Aniya, nagkaroon kasi ng kalituhan ang mga motorista at inakalang maaari nilang gamitin ang kanilang Easytrip sa paggamit sa naturang elevated expressway.
“May mga kalituhan sa motorista kasi first day,” ani Bonoan. “Maraming motorista na tumuluy-tuloy at ang dala nila ay ‘yung Easytrip nila and they thought na pupuwedeng gamitin dito sa Stage 3.”
Nabatid na ang Skyway Stage 3 at iba pang expressways sa southern part ng Metro Manila ay gumagamit ng Autosweep, na isang brand ng radio-frequency identification (RFID) habang ang mga expressways naman sa norte ay gumagamit ng Easytrip, na isa pang brand ng RFID.
“Hindi nila alam na hindi puwedeng gamitin kasi wala pa kaming interoperability,” paliwanag pa ni Bonoan.
Sinabi naman ni Bonoan na habang nasa proseso pa ang mga expressway operators ng pagsasapinal ng protocols para sa interoperability, dinagdagan na lamang ng Skyway ang bilang ng mga personnel na nagkakabit ng Autosweep stickers sa mga sasakyan, na nais gumamit ng naturang elevated structure.
- Latest