Tsinoy na ayaw magbayad ng hotel bills, nagwala sa Quezon City, hinabol hanggang Maynila
MANILA, Philippines — Isang Tsinoy na hindi na nagbayad ng kanyang hotel bills at nagwala pa , ang naaresto ng mga awtoridad sa isang hot pursuit operation na nagmula sa Quezon City at umabot pa sa Maynila, kahapon ng umaga.
Nakilalang ang nadakip na si Arvin Chua Tan, 46, ng New Manila, Quezon City, na kasalukuyan nang nakapiit sa Kamuning Police Station 10 (PS 10) ng Quezon City Police District (QCPD).
Dakong alas-10:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa isang hotel na matatagpuan sa Timog Ave., Brgy. South Triangle, Quezon City.
Batay sa reklamo ni Catherine Pelaez Silva, 40, branch manager ng hotel, nabatid na dakong alas-11: 00 ng gabi ng Hulyo 12 ay nag-check-in sa kanilang establisimyento ang suspek.
Kahapon ay nag-check out umano ang suspek ngunit tumangging magbayad ng kaniyang bill. Nagulat pa umano ang mga staff ng hotel na sa halip magbayad ng bill ang suspek ay galit pa itong nanghihingi ng halagang P20,000 sa kanila sa hindi malamang dahilan at nagpakilalang empleyado ng DILG.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis ngunit sa kasagsagan ng komprontasyon ay mabilis na sumakay si Tan sa nakaparada niyang itim na BMW na nasa parking lot ng hotel, at saka ito pinaharurot palayo sa lugar.
Binangga pa umano nito ang nakaparadang mobile car ng mga pulis, maging ang NMAX motorcycle na sinasakyan ng isa pang alagad ng batas. Umabot pa ang ‘hot pursuit operation’ sa kahabaan ng Claro M. Recto Avenue, kanto ng Nicanor Reyes St., sa Maynila kung saan nakorner ang suspek at tuluyang naaresto.
Inihahanda na ng mga pulis ang mga kasong estafa, resistance and disobedience to a person in authority at multiple damage to property na isasampa laban sa kanya sa piskalya.
- Latest