Transport strike hanggang bukas - Manibela

MANILA, Philippines — Pinag-aaralan ng transport group na Manibela na palawigin pa ang isinasagawang transport strike hanggang bukas matapos na sabihin ng pamahalaan na bigo ang grupo na paralisahin ang public transportation system sa unang dalawang araw ng kanilang tigil-pasada.
Dismayado si Manibela Chairman Mar Valbuena dahil tila wala aniyang nakikitang ‘sense of urgency’ para sa dayalogo ang Department of Transportation (DOTr).
Dagdag pa ni Valbuena, bagamat may tauhan na ng DOTr ang kumontak sa kanya at nagtakda ng posibleng dayalogo sa Biyernes, nais aniya niya itong marinig mula mismo kay DOTr Secretary Vince Dizon.
Samantala, nabatid na may kondisyon naman si Valbuena bago tuluyang pumayag sa pakikipag-usap at ito ay mapayagan ang mga unconsolidated jeepney operators at drivers na bumiyahe sa kanilang ruta habang isinasagawa ang negosasyon.
Una nang ikinasa ng Manibela ang tigil-pasada simula Lunes, Marso 24, hanggang Miyerkules, Marso 26. Sa ikatlong araw strike, nagtipun-tipon ang grupo sa tanggapan ng DOTr San Juan City at iprinotesta ang Public Transport Modernization Program (PTMP) habang may 100 protesters din naman ang nagtungo sa tanggapan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
- Latest