P17.5 milyong shabu nasabat sa mag-ina
MANILA, Philippines — Umaabot sa P17.5 milyong halaga ng shabu ang nasabat mula sa isang mag-ina na online seller at isa pang kasabwat ng mga ito sa isinagawang buy- bust operation ng pulisya, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.
Kinilala ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang nadakip na mag-ina na sina Josephine, 59 at Mae Jane Rada, 23, at ang kanilang kasapakat na si Bon Joni Visda, 25, pawang residente ng B53 L3 Phase 12, Brgy. 188, Tala.
Ayon sa ulat nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Caloocan Police Drug Enforcement Unit (DEU) mula sa isang Regular Confiden-tial Informant (RCI) hinggil sa umano’y ilegal na aktibidades ng mga suspek kaya’t isinailalim ang mga ito sa isang linggong surveillance.
Nang makumpirma agad na ikinasa ng mga operatiba ng DEU sa pangunguna ni P/Major Deo Cabildo, kasama ang PDEA Northern District Office, 6th MFC RMFB-NCRPO at Tala Police Sub-Station ang buy-bust operation sa bahay ng mga suspek dakong alas-5:10 ng hapon.
Inaresto ng mga operatiba ang mga suspek matapos bentahan ng P75,000 halaga ng droga ang isang pulis na nagsilbing posuer buyer.
Nakumpiska sa mga suspek ang mahigit sa 2 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P17,510,000 at buy-bust money.
- Latest