7-lanes ng Skyway Stage 3, arangkada na bukas
MANILA, Philippines — Simula bukas, Enero 15, ay tuluyan nang bubuksan sa regular vehicular traffic ang lahat ng pitong lanes ng Skyway Stage 3 Elevated Expressway, ayon sa private proponent na San Miguel Corp. (SMC).
Ang 18-kilometrong haba ng naturang proyekto ang siyang nagkokonekta sa South Luzon at North Luzon expressways (SLEX at NLEX).
Sinabi naman ng SMC na bago ang tuluyang pagbubukas nito ay isasara muna nila ang buong expressway mula alas-10:00 ng gabi ng Enero 13 hanggang buong maghapon ng Enero 14, upang bigyang-daan ang isasagawa nilang full inspection, set-up, at staging para sa pagbubukas ng kalsada.
Tuluyan naman anilang bubuksan ang buong expressway sa regular vehicular traffic pagtuntong ng alas-5:00 ng madaling araw ng Enero 15.
Sinabi ng Skyway management na makatutulong ang naturang bubuksang expressway para mapabilis ang biyahe mula sa SLEX patungong NLEX at vice versa, ng hanggang kalahating oras o 30 minuto na lamang mula sa dating dalawang oras.
Makatutulong din anila ang naturang Skyway 3 project para ma-decongest ang masikip na daloy ng trapiko sa EDSA at iba pang bahagi ng Metro Manila.
SInabi naman ng SMC na mananatili pa ring toll free ang Skyway 3 hanggang sa Enero 29.
- Latest