Iskul sa Quezon City ‘tinaniman’ ng 15 bomba
MANILA, Philippines — Nabulabog at nagkatensiyon sa Batasan National High School sa Barangay Batasan Hills, Quezon City kahapon ng umaga nang kumalat ang post sa facebook page ng paaralan ang umano’y mga nakatanim na bomba na umaabot sa 15.
Kasunod nito, agad na sinuspinde ng pamunuan ng nasabing paaralan ang face-to-face classes upang matiyak na ligtas ang mga guro at kanilang mga mag-aaral.
Mabilis ding rumesponde ang bomb squad kung saan agad na kinordon ang paaralan.
Ayon kay PLt. Col. Ramil C. Avenido, Ground Commander ng Quezon City Police District (QCPD) dakong alas-11 ng umaga nang may post sa Facebook page ng paaralan na may nakakalat na 15 bomba sa nasabing paaralan.
Ang bomba ay sasambulat bandang alas-2 ng hapon.
Subalit nang inspeksiyunin at galugarin ng QCPD bomb squad at bomb sniffing dog ang buong paaralan, wala kahit isang bomba ang natagpuan.
Dahil dito nagpatupad ang paaralan ng mga asynchronous na klase sa hapon.
Gayunman, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya.
- Latest