2 lane ng EDSA planong isara sa People Power anniversary
MANILA, Philippines — Depende sa rami ng taong dadalo, planong ipasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawang lane sa EDSA upang bigyang-daan ang paggunita sa ika-34 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong Martes.
“Depending on the number of crowd, the MMDA will implement area closure on two lanes of EDSA in front of People Power Monument and Westbound portion of White Plains Avenue. Two-way traffic scheme will be observed on White Plains Ave. Eastbound,” ayon sa anunsyo ng ahensya.Magpapakalat ang MMDA ng 648 na mga tauhan sa bisinidad ng People Power Monument upang gumabay sa mga motorista na pinayuhan na sumunod sa ilalatag nilang alternatibong ruta.
Higit sa 300 kagamitan tulad ng mga plastic barriers, dump trucks, portalets at mga bus din ang ilalagay sa lugar habang may emergency assistance desk din para sa mga nangangailangan ng serbisyong medikal.
Samantala, ipatutupad din ng MMDA ngayong Martes ang traffic adjustment sa Balintawak Interchange para bigyang-daan naman ang patuloy na konstruksyon ng Skyway Stage 3 Project.
Simula alas-11 kagabi, isasara sa trapiko ang isang lane sa EDSA Balintawak (patungo sa North Luzon Expressway) para sa itatayong vertical bridge na magiging suporta sa EDSA Bridge. Dalawang lane rin sa EDSA Bridge patungo sa Cubao ang isasara.
Bukod dito, isasara ang tatlong lane patungo sa NLEX at isang lane sa southbound direction (patungong Maynila) sa loob ng walong gabi mula alas-11 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw mula Marso 1 hanggang Marso 9.
- Latest