Quezon City drug ops: 20 kalaboso
MANILA, Philippines — Swak sa selda ang nasa 20 drug suspects sa isinagawang magkakahiwalay na drug-bust operation sa Quezon City, nabatid kahapon.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGEN Ronnie Montejo, kabilang sa mga naaresto ay nakilalang si Michael Dejayco, 37, ng 26 K10 St., West Kamias, Quezon City.
Ang suspek ay naaresto ng pinagsanib na puwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), District Mobile Force Battalion (DMFB) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) RO-NCR, dakong alas-10:00 ng umaga kamakalawa sa Ermin Garcia St. corner Edsa, Mega Q-Mart, Brgy. E. Rodriguez, Cubao, Quezon City.
Nauna rito, nakatanggap umano ng tip ang pulisya hinggil sa ilegal na aktibidad ng suspek kaya’t tinarget ito sa buy-bust operation.
Nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang sa 25 gramo ng shabu na may estimated street value na P170,000 at buy-bust money.
Samantala, bukod kay Dejayco, 19 iba pang drug suspects ang nadakip din ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng QCPD sa magkakahiwalay na anti-drug operations na ikinasa nila sa iba’t ibang panig ng lungsod.
Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa piskalya.
- Latest