20 aktibidad sa cityhood celebrations ng Parañaque kinansela dahil sa nCoV
MANILA, Philippines — Bilang pagsisiguro na walang tatamaan sa kinatatakutang 2019 novel coronavirus, kinansela ng Pamahalaang Lungsod ng Parañaque ang 20 sa 24 na nakatakdang mga aktibidad sa selebrasyon ng ika-22 anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod o “cityhood”.
Sinabi ni Mayor Edwin Olivarez na kasama sa kinansela ay ang taunang Binibining Parañaque, Gandang Mamita, ang 2019 Outstanding Taxpayers, na gaganapin sana sa Solaire Resorts and Casino at ang Mega Job Fair na ginaganap sa city hall grounds.
Ipinagpaliban din ang “Ulat sa Bayan” o ang State of City Address ni Olivarez na ginaganap din sa sports complex kada-taon na dinadaluhan ng stakeholders, government officials, ambassadors, at mga negosyante sa lungsod.
Ayon kay Public Information Office chief Mar Jimenez, ang magaganap na lamang ay ang unveiling ng 2019 National Anti-Drug Abuse Council Performance Marker at ang blessing of Disaster Risk Reduction Management Office Command Center, na parehong isasagawa sa Lunes.
Itutuloy rin ang blessing sa Miyerkules ng Ospital ng Parañaque 2 sa Brgy. Don Bosco, kung saan ay pinayuhan din na magdala ng face mask at alcohol ang lahat ng dadalo sa nasabing programa.
Itinuloy naman nitong nakaraang Biyernes ang pamimigay ng College Educational Financial Assistance sa 2,000 mga iskolar ng lokal na pamahalaan.
Samantala, dineklarang special non-working day sa lungsod sa darating na Huwebes (Pebrero 13) na siyang aktuwal na araw ng pagdeklara sa Parañaque bilang isang lungsod sa bisa ng Proclamation No. 955.
- Latest