7 kabataan ‘dinukot’ sa Pasay
PASAY, Philippines — Kinumpirma kahapon ng Pamahalaang Lungsod ng Pasay at Pasay City Police ang pagkawala ng pitong kabataan kabilang na ang isang Sangguniang Kabataan chairman sa magkakahiwalay na lugar sa lungsod.
Sinabi ni Mayor Emi Calixto-Rubiano na isang Task Force na binubuo ng Pasay City Govenment, Pasay City Police, at mga pinuno ng barangay sa lugar ang sisilip sa insidente ng abduction.
Apat ang dinukot sa FB Harrison Street, isa sa ML Dela Cruz, isa sa Tramo, isa sa EDSA at isa sa Buendia. May edad 15-anyos hanggang 22-taong gulang ang mga kabataang umano’y dinukot na bagama’t sa ngayon ay mga “missing persons” lamang.
Iba-iba umano ang pagkatao ng mga sinasabing nadukot na mga kabataan. Ilan sa mga ito ay may mga trabaho, ang iba ay wala habang nag-aaral ang iba pa.
Sinabi ni Pasay City Police chief, PCol Bernard Yang na natukoy na nila ang isang puting Hi-Ace van at isang pulang sedan na kotse na nakunan ng footage ng “closed circuit television camera” na hinihinalang gamit sa pagdukot. Tumanggi si Yang na tukuyin ang plaka ng mga ito habang may operasyon na silang ikinasa para puntahan ang address ng isa sa mga kotse na natukoy.
Patuloy na blangko naman ang mga pulis sa motibo sa sinasabing mga pagdukot. Nakausap na umano nila ang mga magulang ng mga nawawala at muling isasailalim sa mas masusing imbestigasyon para malaman ang background nila at ng mga anak kasabay ng mga usap-usapan na maaaring may kinalaman sa ilegal na droga ang mga insidente.
Naglabas din si Mayor Calixto-Rubiano ng memorandum order sa mga barangay chairman sa lungsod para paigtingin ang pagroronda ng mga barangay tanod, pagpapalakas ng curfew, at pagbabantay sa mga CCTV cameras upang agad na marespondehan ang mga kahalintulad na insidente.
Maaari umanong tumawag ang publiko para mag-ulat ng mga nagaganap na krimen o kahina-hinala tao sa Pasay City Police Hotline nos. 8831-1544 at 0998-9674527 o sa Office of the Mayor sa telepono bilang 7758-5746 at 0917-8672263.
- Latest