2 suspek sa pagpatay sa House exec, timbog

Mag-live in na ‘utak’ tukoy na
MANILA, Philippines — Hawak na ng Quezon City Police District (QCPD) ang dalawa sa pitong suspek sa pagpatay sa House executive na si Director Mauricio Pulhin noong Hunyo 15 sa clubhouse ng isang subdivision sa Quezon City.
Si alyas “Balong” at alyas “Jason” ay sinampahan ng kasong murder kasama ang limang iba pa Quezon City Prosecutors Office bunsod ng pagpatay kay Pulhin, 61, chief ng technical staff ng House Committee on Ways and Means.
Kasabay nito, tukoy na rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mag-live in na umano’y mastermind at tatlong iba pa sa pamamaslang sa opisyal.
Batay sa isinagawang follow-up investigation, Hunyo 22 nang maaresto si alyas “Balong” sa kanyang bahay sa Caloocan City kung saan nakita ang mga ginamit na damit ng kinuhang gunman. Si alyas “Balong” ang tumatayong middleman o naghanap ng papatay sa biktima habang si alyas “Jason” ay nagsilbing lookout sa insidente.
Naaresto si alyas “Jason” nang makipagkita ito kay alyas “Balong” sa isang fastfood chain sa QC.
Sa isinagawa namang press briefing sinabi ni PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo sinabi ito na inamin ni alyas “Balong” sa kanyang extrajudicial confession na kinontak sila ng mag-live in sa halagang P30,000 upang ipapatay ang biktima dahil sa galit.
Lumilitaw na planong kasuhan ng biktima ang mga mastermind na suspek ng estafa.
“Ito po ay diumano may personal na galit sa biktima dahil diumano sila daw po ay sasampahan ng kaso nitong ating biktima po. So, nagpahanap po sa kanilang assistant kung sino ang puwedeng pumatay,” ani Fajardo.
Matatandaang si Pulhin ay malapitang binaril ng riding-in-tandem sa kaarawan ng kanyang anak sa QC.
- Latest