Killer ng bayaw na 8 taong nagtago, naaresto
MANILA, Philippines — Matapos ang walong taon na pagtatago sa batas ay nadakip na rin ng mga otoridad ang isang mister na responsable sa pagpatay sa kanyang sariling bayaw sa Pasig City noong 2011.
Ang suspek na kinilalang si Arnel Gagalac, nasa hustong gulang ay nakakulong na ngayon sa selda ng Pasig City Police matapos magtago at madakip nitong July 3, 2019 sa Batangas.
Si Gagalac ang siyang sinasabing responsable sa pagbaril at pagpatay sa biktimang si Dominador Alday, Jr., 36, jeepney operator at residente ng No.87 Blk 2, Austria Compound, Brgy. San Joaquin, Pasig City.
Dinakip si Gagalac sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Nicanor Manalo Jr., ng Pasig RTC Branch 161.
Walang piyansang inirekomenda ang korte para sa pansamantalang kalayaan ni Gagalac dahil matibay ang mga ebidensiyang hawak ng pulisya para madiin sa kasong murder.
Base sa rekord, inabangan ng suspek ang biktima sa loob ng compound ng tirahan nito noong February 25, 2011, at doon isinagawa ang pamamaril kay Alday na nagresulta sa pagkamatay nito.
Apat na tama ng bala ang kumitil sa buhay ng biktima at mula noon ay nagtago na ang suspek pero naaresto rin ito matapos ang mahigit walong taon na pagtatago sa batas.
- Latest