P1.4-M Kush nasabat sa NAIA
Isinilid sa pakete ng corn chips
MANILA, Philippines – Tinatayang higit sa P1.4 milyong halaga ng high grade marijuana na Kush na nakasilid sa mga pakete ng corn chips ang nasabat ng mga otoridad nang tangkaing ipuslit ito ng isang lalaki sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nitong Martes ng hatinggabi.
Kinilala ni NAIA customs district collector Mimel Talusan ang nadakip na suspek na si Ryan Ramos Soriano, isang call center agent at residente ng San Juan City.
Nakumpiska sa kanya ang nasa 3.46 kilo ng Kush na nakalagay sa loob ng cargo package na idineklarang corn chips at mga damit sa NAIA Central Mail Exchange Center.
Nabatid na nanggaling ang cargo package sa Illinois, USA buhat sa consignee na isang Joseph Mariano at dumating sa Pilipinas nitong Hunyo 25.
Naghinala naman ang airport officials dahil sa amoy ng pakete nang isailalim ito sa physical examination nang kukunin na ni Soriano.
Nang matuklasan ang laman ng pakete, dito na inaresto ng mga airport officials si Soriano.
Pinadala na ang kontrabando sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at nakumpirma sa pagsusuri na high grade marijuana o Kush ang kanilang nasabat na may halagang P1.4-milyon.
Nahaharap ngayon ang suspek na si Soriano sa kasong paglabag sa Sections 117, 1400 at 1113 of R.A. 10863 o ang Customs Law in relation sa R.A. No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). Danilo Garcia
- Latest