Tauhan ng MTPB nagrali
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 100 miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang sumugod sa Manila City Hall para hingin ang kanilang 6 na buwang sahod.
Iniwan ng mga MTPB personnel ang kanilang pwesto dakong alas-10:00 ng umaga at nagmartsa patungong city hall.
Ayon sa mga enforcers, halos patung-patong na ang kanilang mga utang upang magkaroon lamang ng pagkain sa araw-araw. Bukod pa ito sa kanilang pamasahe papunta sa kanilang mga area upang magmando ng daloy ng trapiko.
Nabatid na mula pa Enero 2019 ay hindi sumasahod ang mga traffic enforcers. Ilan din sa mga departamento umano ay hindi pa nakakakuha ng kanilang mga suweldo.
Matatandaang ilang ulit ding dinedma o hindi sinipot ni dating MTPB chief Dennis Alcoreza ang imbitasyon ng konseho para sa budget ng kanyang departamento kung saan kabilang na rito ang sahod ng mga enforcers.
Batay naman sa impormasyon na nakuha mula sa Mayor’s Office nasa Amerika na umano si Alcoreza isang araw matapos ang halalan.
Bagamat tiniyak naman ni outgoing Manila Mayor Joseph Estrada sa mga miyembro ng MTPB na aayusin niya sa Lunes ang sahod ng mga ito.
Nabatid pa na pinirmahan na kahapon ni Manila Mayor Joseph Estrada ang papeles para makasuweldo na ang mga nagprotestang personnel.
- Latest