3 gunrunner bulagta sa buy-bust
MANILA, Philippines — Tatlong pinaniniwalaang miyembro ng ‘gunrunning syndicate’ ang napatay ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation na nauwi sa engkwentro sa Port Area, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Manila Police District-Station 5 commander, Supt. Igmedio Bernaldez kay MPD director, Senior Supt. Vicente D. Danao, inaalam pa ang pagkakakilanlan sa dalawa sa mga nasawing suspek habang ang isa ay kinilalang si Robert Pagtaluna, alyas Oteb.
Nabatid na bandang alas- 2:10 ng madaling araw nang maganap ang buy-bust operation sa Baseco Compound, ang lugar na napagkasunduang magkikita.
Sa gitna ng transaksiyon, sa halip na magkapalitan ng binibiling baril at kabayaran, bumunot umano ng baril ang mga suspek nang makahalata na set-up ang nangyayari.
Unang pinutukan ang katransaksiyon na mga pulis hanggang sa magkapalitan na ng mga putok at nagsilutangan na ang mga nakaposteng back-up na mga operatiba at nakipagputukan na rin sa mga tumatakas na suspek sa bahagi ng Block 1, Gasangan, Baseco Compound, kung saan sila bumulagta.
Nasamsam ng mga awtoridad ang isang motorsiklo na walang plaka na gamit ng mga suspect; apat na iba’t ibang uri ng baril, at isang hand grenade.
Bukod sa baril, natuklasan din ang dalang shabu ng mga suspek.
- Latest