4 obrero huling ‘bumabatak’ sa ‘stairway to heaven’ footbridge
MANILA, Philippines — Apat na construction worker ang nahuling ‘bumabatak’ ng droga sa ilalim ng kanilang ginagawang kontrobersiyal na footbridge na tinaguriang ‘stairway to heaven’ sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr. ang mga naarestong suspek na Jan Rasonable, 26; Lolito Lacang, 38; Joseph Baldia, 27, at Jonard Jagon, 23.
Batay sa ulat ng QCPD-Kamuning Police Station, dakong alas-6:20 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa loob ng kanilang barracks sa EDSA, sa ilalim ng tulay sa kanto ng NIA Rd. sa Brgy. Pinyahan sa lungsod.
Nauna rito, nakatanggap ng ulat ang mga pulis hinggil sa umano’y paggamit ng droga ng mga suspek habang sila ang nagpapahinga sa kanilang trabaho.
Nang salakayin ang lugar ay natiyempuhan ng mga pulis na ‘bumabatak’ ng illegal na droga ang mga suspek kaya’t kaagad na inaresto ang mga ito.
Narekober mula sa mga suspek ang apat na pakete ng shabu, at mga drug paraphernalia.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ng mga awtoridad na walang dapat ipangamba ang publiko hinggil sa ginagawang tulay ng mga suspek dahil dadaan naman ito sa masusing inspeksiyon bago ito gamitin sa oras na matapos.
- Latest